Accreditation ng Pinoy bloggers, PANAHON NA!

Tayong mga Pinoy bloggers ay mga ahente ng kaalaman at pagbabago. Malaking ang naiambag natin nung nakaraang eleksyon sa paghubog at pag implewensya ng pananaw ng publiko sa mga kandidato at mga pinaglalaban nila. Kung hindi man sa eleksyon ay malaki rin ang ambag namin sa pagpapakilala ng mga produkto at negosyo ng ilang mga kumpanya. Tayo ang tunay na boses ng masa dahil tayo din mismong mga bloggers ay bahagi ng sambayanan na botante at mamimili ng mga produkto at hindi tayo kontrolado ng kahit na anong naglalathalang kumpanya. Boss namin ang mga nagbabasa sa amin.

May mga tiga media na nagsasabing kailangan nang magkaron ng accreditation para sa mga bloggers. Sang-ayon po ako dito. Ang blogging ay isang uri ng pansariling pagpapahayag na isang protektado at garatisadong karapatan sa ilalim ng Saligang Batas. Para sa mga bloggers na maraming tagasunod o followers, palagay ko po ay marapat lamang bigyan sila ng maayos na pagkilala ng pamahalaan.

Pumayag na po ang Pangulong Duterte na magcover ang mga bloggers sa mga aktibidad at talumpati nya sa Malacanan. Ang pinag-uusapan na lamang ay kung paano ito gagawing maging patas sa lahat ng bloggers anuman ang kanilang political affiliation.

Ang ipinapanukala ko po ay hindi lamang sa kapakinabangan ng iilang sikat ng bloggers kundi LAHAT ng Pinoy bloggers. Kailangan kilalanin din yung mga bloggers na nagsusulat mula sa labas ng bansa. Maari silang magpa accredit dahil ang iba sa kanila at may kakayanang magbyahe sa ibang bansa. Kung nandun sila nakabase sa bansa kung saan nagtungo ang Pangulo, bakit hindi sila payagang mag-cover ng mga talumpati ng aktibidad ng Pangulo? Makakatipid pa nga ang gobyerno dahil hindi sila kailangang magsama ng blogger galing sa Pilipinas.

Napakarami ng benepisyo na magagawa ng accreditation para sa mga Pinoy bloggers. Dagdag sa aking panukala ay ang pagkakaroon ng isang Konseho, Komisyon o Komite na magbibigay ng accreditation para sa lahat ng Pinoy bloggers NA GUSTONG MAGPA ACCREDIT. Hindi bawal ang mag-blog ngunit kung gagawin mo ito sa pag-uulat ng mga balita ukol sa pamahalaan at Pangulo, kailangan magsabi ka ng totoo sa lahat ng oras. Kung nais mong pagtawanan ang Pangulo o maging kritikal sa pamahalaan, hindi ka rin pinagbabawalan. Pero kung gusto mong seryosohin ka bilang mamamahayag at bigyan ka ng accreditation, kailangan sumunod ka sa isang code of ethics na susumpaan mo, o dumaan sa isang Komite na magre review kung maayos kang masulat o hindi.

Hindi ako naniniwala sa events-based accreditation, o yung pagkilala sa yo para lang sa isang event. Ang kalalabasan nyan kanya-kanyang pangilala lang ang Pinoy blogger na makakapasok, ibig sabihin kung hindi mo katropa yung mga organizers hindi ka makakapasok o makakapag cover. At yan kailangan matanggal sa sistema natin ngayon. Napakarami ng mga bloggers na masipag, makatotohanan at walang takot na nagsusulat pero hindi sila nakakapasok sa Malacanang dahil yung mga datihan lang ang napagbibigyan. Naniniwala ako na ang pagkakaroon ng isang Komite para sa Pinoy bloggers na aatasang magsagawa ng accreditation ay magbibigay ng pagkakataon SA LAHAT NG PINOY BLOGGERS hindi lang sa mga iilang sikat na.

Natural lang na ang ganintong proseso ay magiging mahigpit at masinsinan. Bakit naman hindi? Malaki ang responsibilidad ng isang Pinoy blogger at hindi basta-basta ang papasukin sa Malacanang at makapagtanong sa Pangulo. Sabi nga ni Spiderman, “with great power comes great responsibility.” Maaring ang accreditation ay hindi para sa lahat. OK lang yun, basta’t hindi nawawala ang karapatan natin mag-blog, bagkus ay napagtitibay at nagiging lehitimong plataporma ito ng pamamahayag.

Leave a Comment